Sunday, February 13, 2005

:: A Love Story (4)

Tulad ng mga nakaraang araw ay madalas kami ni Lala magtext para ikwento ang mga nangyayari sa amin. Minsan, napag-uusapan namin yung paborito niyang teacher na pinapasukan ko ngayon sa isang subject. Humihingi ako ng tips at inaalam ko ang personalidad para naman makapasa ako. Yung teacher daw na iyon ay mahilig sumama sa frat war at rally noong college siya. Kumakain ng tae, at marami pang kagaguhang alam. Mapapatunayan niya naman yun sa klase namin na ibat-iba ang trip. Dumating ang week long na celeberation ng Christmas sa aming school. Maraming booth. Na-assign akong magdala ng computer para sa Income generating project namin. Pumayag na rin ako kasi magdadala rin ng computer yung isa kong kasamang DJ sa isang radio station. Maraming music yung hardisk niya at balak kong kumopya para mabawi ang mga nawala kong koleksyon. Malaki ang kita ng aming booth. Madaling kumita lalo na kapag pag-pipirata. Hindi natin masisisi ang mga Pilipino na wais at bumubili lang ng mas mura. Sobrang hirap na kasi ng Pilipinas na dati ay pangalawa sa ma-uunalad sa Asya. Ngayon ay talagang lugmok na, at sa paraan lang na ito sila nakakakuha ng pagkalamang sa mga umaapi sa kanila. Laging kawawa ang mga mahihirap, kahit saan mang aspeto. Pinalalabas ng mga elite na sila ay kapuri-puri ngunit ginagamit lang ng mayayaman ang lahat ng maaring paraan at idelohiya para mapanatili sila sa sistema (Althusser). Ito ay mas matindi pa at nakakatakot kaysa sa represyon o bayolenteng paraan kasi nilalason nito ang isipan ng mamayan ng walang kahirap-hirap kasi madalas ang mahihirap ay hindi gaanong nag-iisip ng pang-aapi sa kanila at nasa lebel pa lang sila na ang prayoridad ay para sa pisilohikal/biological na pangangailangan. Kahit ang Diyos ay ginagamit nila para mapanatili nila ang sarili sa tuktok ng tatsulok. Sila na nga (mahihirap) ang pinagkakaitan ng tamang karapatan at serbisyo ay sila pa mismo ang unang ginagamit para mapanatili sa pwesto ng mga nang-aapi sa kanila. Nakakuha na ako ng maraming music at balak kong regaluhan si Lala ng music na paborito niya at kahit ano pa man. Ilang beses ko siyang hinihintay sa shaded walk ng school para maibigay yung cd. Inaabangan ko siya pero laging mali ang timing. Pero, sabi nga nila, kapag may tiyaga may nilaga, kaya naibigay ko rin. Bago magbakasyon, ang aming class sa teacher na paborito ni Lala ay nagkaroon ng Christmas party kahit hindi siya naniniwala sa Diyos. Nagkaroon siya ng mga naiisip na music video na talaga namang pinagkakatuwaan ng klase. Maraming pagkain tulad ng cookies at chips. Ngunit ang magaganda ay ang mga words of wisdom niya na di ko alam kung saan-saan niya nabasa. Naging masaya ang araw na iyon gusto ko sanang sabihin kay Lala kaso busy siya sa kanyang exams. Dumating ang pinaka-finaleng araw ng selebrasyon. Nasa school na ako para panoorin ang engrandeng simula ng programa. Mag-isa lang ako noog una. Pero di nagtagal ay dumating na yung iba naming kasama para sa fireworks display. Pagkatapos ay humanay kami para sa pagkain. Nagtagpo ang block namin at block nila Lala. Itong si Jess na maingay kasama ang kanyang girlfriend ay biglang kinulit si lala at kung ano-ano ang sinasabi. Sa totoo lang ay naiinis ako kasi ayaw ko ng ganon. Nagtinginan sa akin yung mga kablock ni Lala na parang sobrang nagtataka. Nanliit ako sa sarili ko at pagkatapos ay umalis na ako. Parang sobrang nagtataka sila sa akin kung sino ang taong ito na inuugnay sa kanya. Alam ko naman na kahit minsan ay hindi yun ikukuwento ni Lala sa mga kaibigan nya kahit yung mga pinakamalapit pa sa kanya. Ako rin naman, di ko lang din yun sasabihin. Kung hindi pinakalat ni Allan ay nakatago na lang sana at nalimutan na ang lahat-lahat. AKo kasi ay isang taong malihim at kahit sino na feeling nila ay kilala ako ay hindi pa talaga nila alam ang lahat-lahat sa akin. Kahit kapatid ko, magulang ko at mga kaibigan. Ng gumabi na, tinatanong ko si Lala kung ayos lang siya. Nang gusto na niyang umuwi ay sinabi ko na mag-ingat siya at tinanong ko kung may kasama siya. Sabi niya ay kasama daw nya yung mga kaibigan niya. Nalungkot man ako na di ko siya nahatid ay ayos lang. Naiwan ako sa isang tabi habang pinagmamasdan ang mga bandang tumutugtog. Naalala ko pa noong first year ako ng tumugtog kami ng iba kong ka blockmates.Nasa isang org silang lahat at ako lang ang naiiba. Bago tumugtog ay tumagay sila para pampalakas daw ng loob. Ng nasa harap na kami ay di nakakakanta yung vocalist namin at sa banding huli ay nagbago ang plano at yung drummer na ang pumalit na vocalist. Mabuti na lang at nakatalikod lang ako ng buong performance namin. Kaso nabuwag na ang banda, nawala sila sa course at nagshift. Yung iba nalipat ng school. Nakikita ko parin si Jeric na may girlfriend na ngayon at busy sa org nya. Parang lahat sila ay may direksyon na sa buhay. Umupo lang ako sa isang tabi habang pinapanood ang ilang kasama. Pinagmamasdan ang mga nanonood. Nasa isip ko noon kung bakit ang dali-dali ng ibang ibigay ang kanilang puso sa iba at parang ang dali-dali nilang iaalay ang sarili na isang mahalaga nilang instrumento. Napakadali nilang iaalay ang katawan para sa iba. Napakadali nilang buuin ang isang relasyon na hindi nila alam kung magtatagal Marahil ay immature pa ako sa usaping iyan. Lumalim ang gabi at matatapos na ang programa. Alam kong nasaraduhan na ako sa bahay. Wala na akong magagawa kundi magpaabot ng umaga. Umaabot ng alas-dos at umalis na ang grupo. Pumunta sa 7/11 para kumain. Pagkalipas ng mahabang usapan at kainan ay umuwi na sila. Ako ay humiwalay at pumunta sa simbahan. Una kong simbang gabi. Nakakaantok mag-simba lalo na at wala ka pang tulog. Di ko napigilan kaya nakatulog ako sa simbahan. Ng magising ako ay tapos na ang misa at nagdesisyong umuwi sa bahay. Nagising ako ng tanghali na, nag-ayos at kumain at pagkatapos ay umalis muli. Pumunta sa session road, dumeretso sa Mabini. Pumunta ako sa isang hindi sikat na pagupitan. Sobrang haba na ng buhok ko. Mahal na mahal ko ang buhok ko at dahil dito ay lagi akong napapagalitan ng daddy ko. Nagpagupit ako ng maiksi tanda ng aking pagbabago. Ilan taon ko nang hindi nakikita ang mukha ko na malinis ang tabas at ito ay nagustuhan ko naman. Bababa ako bukas sa probinsiya dahil sembreak na. Bukas, ay susunduin ko sina Lala sa bahay nila ng madaling araw at sabay kaming babalik sa lugar namin. Sana ay hindi na ako pagalitan ng mga magulang ko dahil natupad na ang hiling nila na magpagupit ako. Dumerestso ako sa isang internet cafĂ© na madalas kong puntahan. Ito ang alam kong pinakamabilis. Nasa isang tagong building pero maganda ang view lalo na kapag gabi. Nakikita mo ang kagandahan ng Baguio sa pamamagitan ng maraming ilaw na kumikislap. Alam ko na sa bawat isang maliliit na ilaw na nasasapawan ng mas malalakas na ilaw ay isang pamilyang nagsasama-sama kahit sa napakalamig na Disyembre. Malapit na nga pala ang Pasko ngunit ang Pasko kong ito ay naiiba sa lahat. Malamig… Nag-search ako sa internet. MAgaling akong umarte na hindi nasasaktan kahit sobrang sakit ng aking kalooban. Magaling akong magkunwaring malungkot kahit alam kong masaya ako. Ito ang natutunan ko sa pag-iisa. Mahalagang magkaroon tayo ng sense of time pausing (sarili kong term). Alalahanin natin ang takbo at paano kokontrolin ang ating paligid at hindi kung paano nila tayo pag-lalaruan. Kailangan nating huminto man lang sa ating ginagawa at pag-isipan kung ano ba ang ating mga achievements at failures. Tayo ba ay nasa tamang landas o tayo ba ay mga pawang ligaw. Nalaman ko na ang kahulugan ng pinadala sa akin na mensahe ni Lala. Alam kong hindi niya yun sinasadaya pero yun ay tamang-tama sa akin. Natulog ako ng maaga para sa maagang biyahe bukas ng umaga. (ganda ng rhyming). Nagising ako ng maaga ng umaga rin yun para sunduin sina Lala. (He he he) Sabay kaming bumaba sa aming probinsya lulan ng isang bus. Bagamat halos magkatabi lang kami sa upuan ay tahimik pa rin kami. Ayaw ko ng kasama siyang tahimik. Nalulungkot ako kapag nakikita ko siyang ganon. Hindi ko alam ang dahilan. Malapit ako sa kanya pero parang sobrang layo nya sa akin. Kinausap nya ang inay nya. Hawak na naman nya ang cellphone nya. Ang haba pa ng byahe pero walang imikan. Tulog sila, nakatulala ako sa labas ng bintana. Minsan ay natingin ako sa kanya. Minsan ay iniiwas ko ang mga mata ko. Naghahanap ako ng paraan para malibang. Maingay ang mga bata. Maalikabok ang daan at mainit ang hangin. Tunay ngang malapit na kami sa aming tahanang binago ng Bagyong Yoyong. Nasira ang mga daan, sinira ang mga tahanan. Ngunit sa haba ng byahe ay halos pareho lang ang sikat ng araw. Mga ala-una na ng dumating kami sa aming bayan. Maraming ruta ang bus, ngunit sa bandang huli ay sa amin pa rin ang destinasyon. Unang bumaba si Pauline. Naiwan kaming dalawa ni Lala sa bus. Wala pa rin gaanong imikan. Huminto ang bus sa gitna ng bayan at tinulungan ko siyang buhatin ang kanyang mga bag. Dala ko rin ang dalawa kong bag at ang aking mahal na gitara. Sumakay kami ng tricycle at huminto sa tapat ng bahay nila na tila papasok sa langit. Nakita ko ang inay nya sa harapan ng bahay nila at sinalubong kami. Nagpasalamat sa akin. Habang nakasakay sa tricycle ay parang walang nagbago sa bayan ko na sinsasabing nasalanta ng todo. Ang hangin ay ganon parin ang init at simoy. Presko ang hangin na parang nilinis ng bagyo ang lahat ng kabahuan ng bayan ko. Ang sarap ng pakirandam ng umuuwi sa bayan mo na humugis sa iyong pagkatao. Bumaba ako sa tricycle sa harap ng aming bahay. Ang daan ay malinis, ang lugar ay tahimik, walang, nagbago. Binuksan ko ang pinto sa paraang alam ko. Brownout pala. Halos isang buwan na raw na walang kuryente. Wala akong nagawa kundi bisitahin ang aming bakuran. Mabuti at nakikilala pa ko ng aming mga aso. Maraming nabuwal na saging na muling tinutubuan ng mga dahon. Tunay ngang bumabangon muli ang aming bayan. Pumunta ako sa malawak na lupa sa tabi ng aming bahay. Nabigla ako ng hindi na berde ang kulay ng lupa. Kaunti na lang ang mga damo para sa mga baka. May tinatayo ng gusali. Alam ko na noon na mawawala rin ang pinakamamahal kong bakuran kung saan nahugis ang aking imahinasyon. Lahat ng bagay ay nagbabago at nawawala katulad ng isang ruta papunta sa aming bayan at ruta sa aking kabataan. Pumunta ako sa dagat na natatanaw ang Pasipiko. Kay gandang tinganan ng asul na tubig nito kahit alam ng lahat na halos pumatay ito ng buong bayan. Umuwi ako sa bahay at nandoon na ang aking mga kapatid. Pagkadating ng alas singko ay nagkakuryente na pagkalipas ng isang buwang paghihintay. Tamang tama ang dating ko. Parang walang nagbago. Nasa tahanan ko na nga ako.

No comments: